METRO MANILA, Philippines – Handang sundin ng Philippine National Police (PNP) ang anumang utos kung ito ay naaayon sa saligang batas. Ito ang naging tugon ng tagapagsalita ng pambansang pulisya ng tanungin kung suportado ng PNP ang pagkakaroon ng revolutionary government.
Ayon kay PNP Spokesperson Police Colonel Bernard Banac, mandato ng pambansang pulisya na panatilihin ang peace and order sa bansa at protektahan ang estado laban sa mga kalaban nito.
Samantala, naniniwala naman si Justice Secretary Menardo Guevarra na resulta lamang ng pagod at frustration ang banta ng Pangulo na revolutionary war. Aniya, bilang abogado, alam naman ng Pangulo ang limitasyon ng kaniyang kapangyarihan
Paniniwala naman ng grupong National Union of People’s Lawyers, walang ligal na basehan at hindi sumusunod sa lohika ang naging pagbabanta ng Punong Ehekutibo.
Nilinaw naman ng Malacañang na hindi sa publiko nakatuon ang babala ng Pangulo na magdedeklara ng revolutionary government kundi para sa mga kaaway ng pamahalaan at bunga na rin ng pagkayamot ng Punong Ehekutibo sa sari-saring suliraning kinahakarap ng bansa tulad ng iligal na droga, katiwalian at rebelyon ng mga komunistang grupo.
“It was more of an exasperated expression and I to put on notice against the transgressors that he will not just sit idly, and watch them do their illegal things,” ani Sec. Salvador Panelo, Presidential Spokesperson and Chief Presidential Legal Counsel.
(Bernard Dadis | UNTV News)
Tags: PNP, PNP Spokesperson Police Colonel Bernard Banac, revolutionary government