PNP- Highway Patrol Group, tutulong para mapaikli sa 5 minuto ang travel time mula Cubao hanggang Makati

by Radyo La Verdad | June 24, 2019 (Monday) | 3909

METRO MANILA, Philippines – Malaking hamon pero sisikapin ng Philippine National Police-Highway Patrol Group na makatulong sa target ng pamahalaan na mapaluwag ang daloy ng trapiko sa EDSA. Ito’y kasunod na rin ng pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na sa Disyembre ay iikli sa 5 minuto ang travel time mula Cubao hanggang sa Makati.

Sa turn-over ceremony ng 50 crash helmet sa HPG mula sa Angkas Philippines, sinabi ni BGEN. Roberto Fajardo na nakikipag ugnayan at patuloy ang kanilang pakikipagpulong sa MMDA at DOTr para pagtulungang hanapan ng solusyon ang trapiko sa EDSA.

Pag-amin ni Fajardo, kumagat sya sa “5 minutes challenge” at mula sa Cubao ay umabot sila sa Guadalupe, Makati ng 4 minutes and 58 seconds. Pero paglilinaw nya, umaga nya ito ginawa at mayroon syang ‘hagad.’

Nang tanungin naman kung kaya ito ng walang ‘hagad,’ sinabi ni fajardo na posible naman ang 5 minuto kung babayahe ang motorista ng ala-una ng madaling araw.

Matatandaang na una nang sinabi ng MMDA na “mathematically impossible” ang 5 minutes na byahe mula Cubao hanggang Makati. Kaya naman sinabi ni Fajardo na ililipat nila sa motorcycle lane sa 3rd lane katabi ng bus lane upang wala nang sagabal sa mga fast lane.

Aalisin din aniya ang lahat ng terminal ng bus sa EDSA upang ma-decongest ito.

(Lea Ylagan | UNTV News)

Tags: , ,