Bago pa man pormal na umupo sa pwesto si Incoming President Rodrigo Duterte, dalawang mataas na pwesto na sa pambansang pulisya ang bakante.
Ang mga ito ay ang Chief for Administration, ang pangalawa sa pinakamataas na pwesto at Deputy Chief for Operations, pangatlo na mataas sa PNP organization.
Nabakante ito noong Marso matapos na magretiro si PDDG Marcelo Garbo samantalang mababakante naman ang Deputy Chief for Operations sa June 24, ang petsa na sinabi ni PDDG Danilo Constantino na magreretiro na siya.
Ayon kay PNP PIO Chief PCSupt. Wilben Mayor, bagamat may bakanteng pwesto sa command group hindi ito nakaaapekto sa function ng PNP organization.
Aniya, tiyak namang agad itong pupunan sa pag-upo sa pwesto ni Incoming Pres. Rodrigo Duterte at incoming Chief PNP.
Paliwanag ni Mayor, maaari naman aniyang magretiro nang maaga ang isang opisyal dahil karapatan niya ito.
Hindi rin aniya maaapektuhan ang kanilang pension kundi ang Commutation of Accumulated Leave o CAL na konti lamang ang magiging deduction.
Mayroon din aniyang 3 buwan na non duty status na ibinibigay sa mga malapit nang mag retiro para may panahon silang maayos ang kanilang mga dokumento.
Base sa Sec. 75 ng Republic Act 6975 tatanggap ng monthly retirement pay na 50% ang mga nakapagsilbi ng 20 years sa serbisyo at tataas ito ng 2.5% kada taon, habang tatanggap naman ng maximum na 90% na monthly retirement pay ang mga aabot ng 36 taon sa serbisyo.
Si PDDG Constantino at PDG Ricardo Marquez na nagpahayag nang maagang pagre-retiro ay 38 years na in service, lampas sa 36 years requirement ng batas.
(Lea Ylagan/UNTV NEWS)
Tags: PNP Command Group