PNP Chief Guillermo Eleazar, ipinag-utos na tutukan ang imbestigasyon sa pagkamatay ng isang siklista sa Cavite

by Erika Endraca | October 11, 2021 (Monday) | 267

METRO MANILA – Matapos makarating sa tanggapan ni PNP Chief Police General Guillermo Eleazar ang kalunos-lunos na sinapit ng 20-anyos na siklistang si Kenneth Ponce, agad nitong ipinag-utos ang masusing imbestigasyon sa insidente.

Matatandaan na sa unang report na inilabas ng Kawit PNP hit and run ang dahilan ng pagkamatay ng binata ngunit sa medico-legal na ginawa sa labi nito lumalabas na nagtamo ito ng tama ng baril na agad niyang ikinamatay.

Namataan ang wala ng buhay na si Kenneth sa Abaya Road, Barangay Tabon, Kawit, Cavite noong October 3, 2021. Hanggang ngayon ay hindi pa din nahahanap ang ang bisikletang sinasakyan nito kung kaya’t pagnanakaw ang isang anggulong tinitingnan ng mga pulis.

“Nakarating sa akin ang apela ng mga magulang ng isa nating kababayang bike rider na walang awang pinatay at pinagnakawan pa ng bisekleta sa Cavite. Ipinapaabot ko ang aking taus-pusong pakikiramay sa pamilya ni Kenneth Adrian Ponce at bilang isang magulang, ramdam ko ang sakit sa sinapit ng kanilang anak,” ani PNP Chief PGen. Guillermo Eleazar.

Ipinag-utos din ni PGen. Eleazar sa mga pulis na alamin ang oras at mga rutang dinaraanan ng mga siklista upang masama ito sa mga patrolya ng PNP.

Nanawagan din sa publiko si Eleazar na makipagtulungan at ipagbigay alam ang kahit anong impormasyon na makapagtuturo sa suspek upang mapabilis ang pagresolba sa krimen.

(Jasha Gamao | La Verdad Correspondent)