PNP at AFP, mataas ang kumpiyansang magiging payapa ang halalan sa Mayo

by Radyo La Verdad | April 8, 2016 (Friday) | 1868

AFP-PNP
Lumagda sa joint operational guidelines ang Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines para sa ipatutupad na seguridad sa May 9 elections.

Ayon kay PNP Chief PDG Ricardo Marquez, magtutulungan sila upang mapanatili ang kaayusan sa bansa bago at pagkatapos ng halalan.

Kasama rin sa mga pagpupulong para sa security plan ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan na inatasan ng COMELEC ngayong halalan.

Puspusan din ang pagtugis ng AFP sa mga threat group upang hindi na madagdagan ang tatlong naitalang election related incidents.

Kasabay nito ay muling nanawagan ang AFP at PNP sa COMELEC na ibigay na ang kabuuang budget nila para sa eleksyon.

Sa hiling na 840 million pesos na budget ng PNP,nasa kulang na 500 million pesos pa lamang ang naibibigay ng COMELEC habang wala pang naibibigay kahit isang sentimo sa 338 milyong piso na hiling na budget ng AFP.

Pangako naman ng COMELEC, pag-aaralan nilang mabuti at mamadaliin ang proseso upang agad na maibigay ang kailangan ng PNP at AFP.

Sakaling mabigo ang COMELEC na ibigay ang kumpletong pondo, tiniyak naman ng mga pulis at sundalo na gagawin pa rin nila ang kanilang tungkuling magbantay sa seguridad sa abot ng kanilang makakaya.

(Lea Ylagan/UNTV NEWS)

Tags: , , ,