Plebisito ng bagong konstitusyon sa Mayo 2019, hindi pa tiyak

by Radyo La Verdad | July 11, 2018 (Wednesday) | 5610

Walang timeline ang Senate Committee on Constitutional Amendments and Revision of Codes kung kailan matatapos ang debate nila ukol sa usapin ng charter change.

Wala pa ring desisyon ang Senado kung sa pamamagitan ng constituent assembly o constitutional convention aamiyendahan o rerebisahin ang konstitusyon, kahit na nagpasa na ang Kamara noong Enero ng resolusyon na sa pamamagitan ng con-ass babaguhin ang konstitusyon.

Ito ngayon ang nagbibigay ng duda kung posible ang rekomendasyon ng chairman ng consultative committee na si former Chief Justice Reynato Puno na maisagawa ang plebisito sa Mayo 2019, kasabay ng midterm elections.

Sa ilalim ng 1987 constitution, anumang pagbabago sa mga probisyon ng konstitusyon ay magkakabisa lamang matapos ang ratipikasyon ng mayorya ng boto sa plebisito na idaraos 60 hanggang 90 na araw mula nang maaprubahan ang mga amiyenda o rebisyon ng constituent assembly o constitutional convention.

Sa ika-23 ng Hulyo, sa araw ng ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte inaasahang pormal na ieendorso ng Pangulo sa Kongreso ang draft federal constitution.

Ito ay matapos ibigay na kahapon ng ConCom ang binalangkas nitong panukala kaugnay ng naging pahayag ng Pangulo na pagbaba sa pwesto sa 2019 kung makakapasa ang federalismo.

Ayon kay Senator Antonio Trillanes IV, bitag lamang ito ni Pangulong Duterte upang pumayag ang mga senador sa cha-cha.

Ayon naman kay Senator Panfilo Lacson, hindi tungkol sa isang tao ang proposed charter.

Kaya kapag naisumite na aniya ito sa Kongreso, dapat maibase ang kanilang desisyon sa interes ng susunod na henerasyon na mga Pilipino.

 

( Mirasol Abogadil / UNTV Correspondent )

Tags: , ,