Plant Now, Pay Later program, itinataguyod ng Cabanatuan City Agriculture Office

by Radyo La Verdad | December 10, 2018 (Monday) | 16992

Itinataguyod ng City Agriculture and Livelihood Management Office (CALMO) sa mga magsasaka sa Cabanatuan City, Nueva Ecija ang Grant Recovery Rule Over Program ng Department of Agriculture (DA).

Sa ilalim ng programa, papautangin ng DA ang bawat magsasaka na interesadong magtanim ng mga hybrid rice ngayong dry season. Kumbinsido naman ang ilang magsasaka sa nasabing programa.

Anila, malaking kaluwagan sa kanila ito upang mapagaan ang kabi-kabila nilang gastos sa bukid gaya ng pataba, pistisidyo, at iba pa.

Ipapamahala ang pautang sa mga Farmers Association, kooperatiba at Irrigators Association upang sila na rin ang magmomonitor sa kanilang mga miyembro.

Babayaran ng mga magsasaka ang kanilang inutang na binhi pagsapit ng anihan  makalipas ang tatlong buwan.

Layunin din ng Grant Recovery Rule Over Program na maitaguyod sa lahat ng magsasaka  ang paggamit ng mga high yielding rice seeds variety ng palay o yung mga uri ng binhi na mas malakas mabunga gaya ng high breed rice seeds upang mapataas ang produksyon ng bigas sa bansa.

Sinimulan ang implementasyon ng nasabing programa ngayong buwan at inaasahang magtatapos bago matapos ang taong 2023.

 

( Danny Munar / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,