Pinsalang iniwan ng Bagyong Rosita sa Isabela, umabot na sa mahigit P2B

by Radyo La Verdad | November 1, 2018 (Thursday) | 8926

Sa lakas ng Bagyong Rosita na tumama sa lalawigan ng Isabela, nakapagtala ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) ng mahigit sa dalawang bilyong pisong pinsala sa agrikultura at imprastraktura.

Sa assesment ng PDRRMC, aabot sa higit isang bilyong piso ang sinira ng bagyo sa sektor ng agrikultura at higit isang bilyong piso rin sa imprastraktura.

Kabilang sa mga nasira ang ilang ektarya ng mga palayan, mais, saging, gulay at iba pang mga pananim.

Habang nawasak rin ang ilang mga eskwelahan, gusali, mga business establisment, gasoline station kasama na ang Stiffu Bridge sa Roxas, Isabela.

Ang tulay na siyang nag-uugnay sa Isabela at probinsya ng Cagayan ay nasira rin dahil sa pagragasa ng tubig sa ilog sa kasagsagan ng Bagyong Rosita noong Martes.

Samantala, nilinaw ng PDRRMC na walang silang naitalang casualty dahil sa Bagyong Rosita. Pinabulaanan nito ang balita na isang 40 anyos na lalaki ang nasawi matapos na tangayin ng flash flood sa Roxas, Isabela.

Sa pag-iimbestiga ng SOCO, sinasabing pitong araw ng patay ang lalaki at imposibleng dahil ito sa bagyo dahil noong Martes lamang ng madaling araw tumama ang bagyo.

Sa ngayon ay patuloy pa rin ang kanya-kanyang pagsasaayos ng mga residente sa nasira nilang mga ari-arian, habang patuloy pa ring sinisikap ng Isabela Electric Cooperative na maibalik ang suplay ng kuryente sa buong lalawigan.

Dalawang araw makalipas ang pananalasa ng bagyo, sa ngayon ay halos balik na muli sa normal ang pamumuhay ng mga residente dito sa Isabela.

Samantala, personal ring nagtungo ngayon sa Isabela si Pangulong Rodrigo Duterte upang kamustahin ang sitwasyon ng mga kababayan nating nasalanta ng bagyo.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

Tags: , ,