Pinakamataas na bilang ng kaso ng HIV, naitala ngayong Pebrero 2015 – DOH

by dennis | April 10, 2015 (Friday) | 2105
(Photo Credit: C. Goldsmith and Content Providers: CDC/ C. Goldsmith, P. Feorino, E. L. Palmer, W. R. McManus)
(Photo Credit: C. Goldsmith and Content Providers: CDC/ C. Goldsmith, P. Feorino, E. L. Palmer, W. R. McManus)

Umabot na sa 646 na bagong kaso ng human immunodeficiency virus o HIV ang naitala sa bansa nitong buwan ng Pebrero kung saan 43 dito ay full- blown Acquired Immunodeficiency syndrome (AIDS) na.

Karamihan sa mga kasong naitala ay galing sa National Capital Region na may 262 kaso, Central Visayas na may 96 kaso, 95 kaso naman mula sa CALABARZON at 48 kaso naman mula sa Central Luzon

Ito ang itinuturing na pinakamataas na bilang na naitala ng kagawaran sa bansa base sa kanilang ulat mula pa noong taong 1984

Ayon sa Department of Health (DOH), 33 porsyento ang itinaas ng bilang ng HIV positive kumpara noong Pebrero 2014. Base rin sa pinakahuling ulat ng Philippine HIV and AIDS Registry may 20 bagong kaso ang natutukoy ng ahensya araw- araw.

Ngayong Pebrero, may naitala na ring 17 Pilipinong namatay dahil sa iba’t ibang kumplikasyon na dulot ng HIV-AIDS.

65% sa mga namamatay ay kabilang sa age bracket o may edad na 25 hanggang 34 taong gulang. Makikita rin sa hawak na record ng DOH na 96% ng sexually transmitted cases ay mula sa mga lalaki.

Ito ay dahil sa pakikipagtalik sa kapuwa lalaki at sa pagpapasa-pasa ng karayom ng mga drug user. Dalawa naman sa kabuoang bilang ng HIV cases ay sa pamamagitan ng mother-to-child transmission.(Aiko Miguel/UNTV Radio)

Tags: , ,