METRO MANILA – Plano nang rebisitahin ang Republic Act 11203 o ang Rice Tarrification Law ayon sa Department of Agriculture (DA).
Ipinahayag ni DA Spokesperson Noel Reyes, balak umanong tingnang muli ni Agriculture Secretary William Dar at Senator Cynthia Villar na siyang Chair ng Committee on Agriculture and Food ang naturang batas dahil sa posibilidad ng oversupply o sobrang dami ng mga inaangkat na bigas sa bansa.
Inanunsyo ito ng ahensya matapos lumabas ang isang report ng Estados Unidos kung saan natalo na umano ng Pilipinas ang China bilang pinakamalaking importer ng bigas ngayong taon. Ayon sa United States Department Of Agriculture — Foreign Agricultural Service, inaasahan na papalo sa 3M Metric Tons ng bigas ang iaangkat ng bansa bago matapos ang taon.
Pero ayon sa ahensya, base sa datos ng Bureau of Customs, halos nasa 3M na o 2.99 M Metric Tons ang inangkat na bigas ng Pilipinas mula Enero hanggang Oktubre ngayong taon. Ikinalungkot ito ng ilang grupo ng mga magsasaka.
Para sa Federation of Free Farmers, dapat ay taasan pa ng gobyerno ang taripa sa pag-angkat ng imported na bigas at pagtuunan ng pansin ang pagpapadami ng local rice sa merkado. Para naman sa Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, dapat umano ay tanggalin na ang Rice Tarrification Law.
Sa isang pahayag naman, muling nanawagan ang Grupong Bantay Bigas na tanggalin na ang Rice Tarrification Law dahil inilalayo lamang nito ang bansa sa pagiging self-sufficient. Sa ngayon, naglalaro sa P35-38 kada kilo ng regular milled na local rice sa ilang pamilihan sa Quezon City habang mayroon namang nasa P29 kada kilo.
Positibo naman umano ang da na tuluyan pang bababa ang presyo ng bigas sa merkado ng mas mababa sa P30 kada kilo. Nakikita rin aniya ng ahensya na bababa ang iaangkat na bigas sa susunod na taon sa bansa dahil sa pagbuti ng lokal na produksyon.
(Harlene Delgado | UNTV News)