Pilipinas, nananatili pa ring isa sa may pinakamabilis na paglago ng ekonomiya sa buong Asya – NEDA

by Radyo La Verdad | January 24, 2018 (Wednesday) | 8218

Nakikipagsabayan ang Pilipinas sa mga bansa sa ASEAN Region pagdating sa paglago ng ekonomiya. Pangatlo sa may fastest growing economy ang bansa para sa taong 2017 kasunod ng China at Vietnam, ito’y kahit pa mula sa 6.9 percent noong taong 2016 ay bahagyang bumaba sa 6.7 percent ang gross domestic product o GDP rate ng bansa noong nakaraang taon.

Habang pareho namang nasa 6.6 percent ang antas nito sa parehong 4th quarter nang magkasunod na taon.

Ang Malakanyang, nagagalak pa rin dahil patuloy ang pagsulong ng ekonomiya ng bansa. Ang mga sektor ng manufacturing, trade, real estate, rental at mga aktibidad sa negosyo ang mga pangunahing dahilan ng paglago sa ekonomiya noong 4th quarter o mula Oktubre hanggang Disyembre ng 2017.

Tiniyak din ng National Economic and Development Authority o NEDA na hindi naman umano magtatagal ang epekto ng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo sa ekonomiya ng bansa.

Sinang-ayunan naman ito ng isang eksperto  na si Union Bank Chief Economist Carlo Asuncion ang prediksyong ito ng NEDA.

Mas dadami aniya ang trabaho ngayong taon sa pagsisimula ng mga proyektong pang-imprastraktura sa ilalim ng Build, Build, Build program ng pamahalaan.

Tataas din aniya ang household spendings dahil mas malaki na ang magiging take-home pay ng mga manggagawa dahil sa tax reform law.

Pero may mga hakbang pa rin daw na dapat gawin ang pamahalaan para sa pag-unlad. Inaasahan naman ng NEDA na aabot sa 7 hanggang 8% ang economic growth ng Pilipinas para sa taong 2018.

 

( Mai Bermudez / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,