Pilipinas, may pinakamadaming kaso ng tuberculosis sa ASEAN – DOH

by Radyo La Verdad | September 26, 2018 (Wednesday) | 6279

60 pasyente ang namamatay araw-araw sa Pilipinas dahil sa tuberculosis at sa kasalukuyan, pang-apat ang tuberculosis sa mga pangunahing sakit na pumapatay sa mga Pilipino.

Batay sa global tubersulosis report 2018, lumalabas na nasa 581,000 na Pilipino ang may TB mula 14 na taong gulang pataas.

Lumalabas din sa incidence rate sa sampung ASEAN countries na nangunguna ang Pilipinas sa may pinakamaraming kaso ng TB at pang-sampu naman sa may pinakamalalang kaso ng TB. Kasama rin ang Pilipinas sa 22 bansa na “TB high burden” cases simula pa taong 1998.

Paliwanag ng DOH, dahil sa bagong testing protocol o ang Gene Xpert, mas madaming Pilipino ang natuklasang may tuberculosis.

Sa pamamagitan ng Gene Xpert, gumagamit ng test machines para ma-detect kung may TB bacteria sa DNA ng isang indibidwal.

Target naman ng Department of Health (DOH) na mapababa ng 90% ang tuberculosis cases sa bansa sa taong 2035 sa pamamagitan ng formula one plus program ng DOH na pangunahing target ang mga Pilipinong nasa poverty line.

Paalala ng DOH sa publiko na magpatingin sa doktor kung inuubo ng mahigit dalawang linggo, lagnat at pagpapawis karaniwan sa hapon o sa gabi, kawalan ng ganang kumain at pagbaba ng timbang.

Bukas ang lahat ng TB-Dots Centers sa bansa para sa anim na buwang tuloy-tuloy na gamutan ng mga TB patient sa bansa upang maiwasan ang multi-drug resistant TB na posibleng maging dahilan ng mas mahirap na gamutan at paggaling ng isang TB patient.

 

( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )

Tags: , ,