Pilipinas, determinadong panagutin ang China sa nangyaring sea collision sa West PHL Sea

by Radyo La Verdad | June 14, 2019 (Friday) | 8210

METRO MANILA, Philippines – Naghain na ng diplomatic ang Department of Foreign Affairs laban sa China matapos ang West Philippine Sea Collission.

Ayon kay DFA Sec. Teodoro Locsin, Jr. sa kanyang twitter post, “Hindi makatao ang ginawa ng Chinese fishing vessel na basta na lamang iwan ang dalawampu’t dalawang Pilipinong mangingisda matapos ang insidente.”

Nagpasalamat naman ang kalihim sa Vietnamese vessel na sumagip sa mga ito.

Pagkamuhi naman ang naramdaman ni Pangulong Rodrigo Duterte nang mabalitaan ang nangyari.

Ikinukunsidera rin ng pamahalaan ang lahat ng opsyon kaugnay ng insidente. At kung hindi aniya tutugon ang Chinese government hinggil sa insidente, posibleng maapektuhan ang ugnayan ng dalawang bansa.

 “We will cut our diplomatic relations, ‘yan ang unang ginagawa pag may aggressive acts. First may diplomatic protests ka. Kung di ka kuntento sa paliwanag nila at nakita nating sinadya, ibang usapan na yun. Our responses will always be calibrated depende sa degree. But definitely, we will not allow ourselves to be assaulted, to be bullied.” Ani Sec. Salvador panelo, Presidential Spokesperson and Chief Presidential Legal Counsel.

Nanawagan din ito sa China na imbestigahan ang nangyari at papanagutin ang mga sangkot na Chinese.

Naniniwala naman ang Armed Forces of the Philippines Western Command na sinadyang banggain ng Chinese vessel ang bangka ng mga Pilipinong mangingisda na nasa Recto Bank noong June 9.

Ayon kay AFP Western Command Spokesperson LTC. Stephen Penetrante, naka anchor sa Recto Bank ang Filipino fishing boat at hindi ito umaandar kayat malabong magkasalpukan ang dalawang sasakyang pandagat.

Aniya, mistulang hit and run ang nangyari dahil hindi rin huminto ang Chinese vessel pagkatapos ang insidente. Kaugnay nito, nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Western Command sa insidente.

Una nang kinondena ng Department of National Defense ang ginawa ng Chinese vessel at sinabing hindi ito gawain ng mga responsableng at palakaibigang tao.

Samantala, nagsasagawa na ng malaliman at seryosong imbestigasyon ang China kaugnay sa napaulat na pagbangga ng Chinese fishing vessel sa bangka ng mga mangingisdang Filipino sa Recto Bank .

Ayon kay Chinese Amabasador Zhao Jianhua, kung totoong Chinese crew ang may gawa noon ay dapat lamang silang bigyan ng leksyon at parusahan dahil sa iresponsableng pag uugali.

Umaasa rin si Zhao na mailalagay sa tamang konteksto ang pangyayari.

Ganito rin ang naging pahayag ni Chinese Foreign Ministry Spokesman Geng Shuang.

“China will continue to investigate this incident based on its responsible attitude towards the physical safety and safety of property of the people of both countries and will work with the Philippine side to properly handle.” Ani Geng Shuang, Chinese Foreign Ministry Spokesman.

(Rose Coz | UNTV News)

Tags: , ,