METRO MANILA – Nakatakdang magtulungan ang Pilipinas at Israel upang itaguyod ang two-way tourism ng 2 bansa matapos ang pagpupulong sa pagitan ni Philippine Ambassador to Israel Macairog Alberto at Israel Minister of Tourism Yoel Razvozov nitong ika-3 ng Pebrero, 2022.
Layon ng 2 bansa na muling ibalik ang sigla ng turismo pagkatapos ng ilang taon ng paghihigpit dulot ng COVID-19.
Ayon kay Ambassador Alberto, magpapatuloy ang embahada sa pagtataguyod ng turismo ng Pilipinas sa Israel.
Dagdag pa niya, muling lalahok ang bansa sa darating na International Mediterranean Tourism Market (IMTM) at inimbitahan ang Israeli tourism industry players sa World Travel and Tourism Council Global Summit na gaganapin sa Manila sa April 20-23, 2022.
Samantala, sinabi naman ni Minister Razvozov na itutuloy ng Ministry of Tourism ang pagtulong sa mga Filipino hotel workers sa hotel industry ng Israel sa kabila ng pagluwag ng mga restrictions upang makapasok ang marami pang turista sa bansa.
Dagdag ni Razvozov, isang magandang balita para sa mga Israeli ang muling pagbubukas ng turismo ng Pilipinas.
(Daniel Dequiña | La Verdad Correspondent)