Pilipinas at China, walang lalagdaang joint oil exploration deal sa pagbisita ni Chinese Pres. Xi sa bansa

by Radyo La Verdad | November 8, 2018 (Thursday) | 3929

Ngayong buwan ng Nobyembre, nakatakda ang pagbisita sa Pilipinas ni Chinese President Xi Jinping.

Kaugnay nito itinanggi ni Foreign Affairs Secretary Teddy Locsin na may nakalatag na joint exploration deal na pipirmahan sa pagitan ng Pilipinas at China sa pagbisita ng Chinese Top Official sa bansa.

Una nang napaulat na may mga kasunduang pipirmahan sa pagitan ng dalawang bansa hinggil sa joint oil at energy exploration sa disputed territories sa West Philippine Sea.

Sa text message na ipinadala ni Locsin sa UNTV News, sinabi nitong ang sentro ng pagbisita ni President Xi ay ang paglahok ng Pilipinas sa belt and road initiative ng China.

Ito aniya ang prayoridad ni Xi sa kaniyang nakatakdang pagbisita sa Pilipinas lalo na’t ang bansa ang huli sa ASEAN na makabilang sa inisyatibong ito.

May basbas na aniya ng gabinete ni Pangulong Duterte ang commitment na ito Locsin sa China na mapabilang ang Pilipinas sa belt and road initiative.

Ang belt and road ay may layuning palawigin ang Chinese trade sa Southeast Asia at South Pacific sa pamamagitan ng massive infrastructure projects.

Samantala, ayon naman kay Energey Secretary Alfonso Cusi, hinihintay na lamang aprubahan ni Pangulong Duterte ang isang joint exploration agreement, ang service contract number o SC 57 na located sa kanluran ng Calamian Islands sa Northwest Palawan. Hindi ito kabilang sa pinagtatalunang teritoryo ng China at Pilipinas.

Ang SC 57 ay awarded sa Philippine National Oil Company- Exploration Corporation na may farm in agreement sa China National Offshore Oil Corporation.

Gayunman, wala namang ideya sina Locsin at Cusi kung mapag-uusapan ang panukalang pagkakaroon ng joint exploration deal sa disputed territories sa West Philippine Sea sa pagpupulong nina Pangulong Duterte at President Xi.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

Tags: , ,