Isa ang Singapore sa mga bansang unang rumesponde nang manalasa sa Pilipinas ang Typhoon Haiyan o Bagyong Yolanda. Itinuturing ito na deadliest typhoon on record na kumitil ng mahigit anim na libong buhay.
Sariwa pa rin sa isip ni Charis Chan, ang pinuno ng international service ng Singapore Red Cross ang kalunos-lunos na sinapit ng ating mga kababayan sa kabisayaan.
12 milyong Singapore Dollars ang nalikom na donasyon mula sa residente at iba’t-ibang ahensya sa Singapore.
At bilang paggunita sa ika-limang anibersaryo ng Bagyong Yolanda, isang photo exhibit ang binuksan ng Singapore Red Cross sa publiko noong nakalipas na Biyernes, ika-2 ng Nobyembre.
Tampok sa exhibit ang untold stories ng ilang survivors mula sa labindalawang rebuilding projects na pinangunahan ng Singapore Red Cross sa Cebu, Palawan, Aklan, Capiz, Iloilo, Samar, Eastern Samar at Leyte.
Gayundin sa iba pang rehiyon na naapektuhan naman ng Bagyong Ketsana noong 2009 at ng Bagyong Bopha noong 2012.
Samantala, taos puso naman ang pasasalamat ng embahada ng Pilipinas sa pamahalaan ng Singapore at sa Singapore Red Cross sa malaking tulong na naibigay nito sa Pilipinas.
Sa kasalukuyan ay patuloy pa rin ang pagbisita mga Singapore Red Cross sa mga komunidad na kanilang sinusuportahan.
Sa kanilang pagbisita, iba’t-ibang programa ang kanilang isinasagawa gaya ng livelihood programs, hygiene safety at disaster risk reduction.
( Maila Guevarra / UNTV Correspondent )