PHL Red Cross, iginiit na blood processing fee ang binabayaran upang makapag-avail ng dugo

by Radyo La Verdad | September 17, 2021 (Friday) | 88405

Walang bayad ang dugong ibinibigay ng Philippine Red Cross. Ito ang pahayag ng humanitarian organization matapos kwestyunin ni Pangulong Rodrigo Duterte kung bakit may sinisingil ang PRC pag mag-aavail ng  dugo gayong kinukuha ito sa pamamagitan ng blood donation drive mula sa mga volunteer.

“Mahilig kayong magpa-bloodletting. Isang batalyon na pulis, isang batalyon na army. Tapos ang mga tao dyan kung kailangan, bumili. Ang mahirap dyan o mayaman, gusto ng dugo sa Red Cross, nagbabayad! Eh saan naman yung mga dugo na kinuha mo dyan sa mga sundalo pati pulis pati sibilyan? I’m just trying to reconcile. Magbayad ka maski mahirap ka,” pahayag ni Pang. Rodrigo Duterte.

Sa isang pahayag, sinabi ng PRC na naayon sa polisiya ng DOH ang pangongolekta ng blood processing fee para ilaan sa mga serbisyo, at operasyon tulad ng donor recruitment, education, collection, blood testing, preparasyon ng blood products at iba pang proseso upang masiguro ang kaligtasan ng dugong isasalin.

Maaari ring mai-avail ito ng libre sa blood facilities ng Red Cross kung makapagpapakita ng certificate of indigency mula sa ospital kung saan naka-admit ang pasyente o mula sa PRC welfare services.

Dagdag pa nito, naglunsad din anila ang samahan ng blood samaritan program upang makalikom ng pondo para sa mga pasyenteng walang kakayahang bayaran ang blood processing fee.

Ang PRC ay pinamumunan ni Senator Richard Gordon, na chairman ng Senate Blue Ribbon Committee na dumidinig sa procurement ng medical supplies ng administrasyong Duterte noong nakalipas na taon.

Inaakusahan ni Pangulong Duterte ang senador na ginagamit ang PRC upang makakalap ng pondo para sa kaniyang political plans. Inatasan din nito si Solicitor General Jose Calida na sulatan ang Commission on Audit (COA) upang pormal na hilingin na busisiin ang financial records ng PRC.

Rosalie Coz | UNTV News and Rescue

Tags: , , , ,