PHIVOLCS, nagbabala sa lahar flow sa paligid ng Mayon

by Radyo La Verdad | February 22, 2018 (Thursday) | 5302

Hangga’t maaari ay lumayo sa mga ilog at channels na pwedeng daluyan ng lahar kapag malakas ang ulan, ito ang babala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) sa mga residente sa Albay.

Dahil sa patuloy na malakas na pagbuhos ng ulan, nakapagtala ang PHIVOLCS ng lahar, sediment at mud flow sa paligid ng bulkan. Mula dito ay aagos lang muna ang lahar sa mga ilog subalit ang delikado ay kung aapaw ang ilog na kasama ang lahar.

Ayon sa PHIVOLCS, makakatulong pa nga ang ulan upang mahugasan ang lahar deposit sa paanan ng bulkan. Bukod dito, pinaghahandaan rin ng probinsya ang lahar flow pagpasok ng tag-ulan. Ito ay dahil sa napakaraming lava na nailabas ng Mayon simula noong January 13 na umabot na sa 81 million cubic meters.

Isang evacuation plan ang inihahanda ng pamahalaan para sa bayan ng Camalig at Guinabatan, ito ang mga bayan na natukoy na posibleng tamaan ng lahar flow.

Ngayon, hindi na masyadong umuulan sa Albay pero nakahanda pa rin ang mga lokal na pamahalaan lalo kapag dumating na ang tag-ulan.

 

( Mon Jocson / UNTV Correspondent )

Tags: , ,