Philippine Red Cross, nagbigay ng tips sa mga estudyante bilang paghahanda sa face-to-face classes

by Radyo La Verdad | November 11, 2021 (Thursday) | 1324

MANDALUYONG CITY – Nagpaala-ala ang Philippine Red Cross (PRC) sa mga estudyante kung anong mga bagay ang nararapat gawin hinggil sa napipintong face-to-face classes ngayong taon dahil sa pagbaba ng mga kaso ng COVID-19 at pagpapatupad ng Alert Level 2 sa Metro Manila.

Sa paraang ito ay nalalaman at magkaroon ng kamalayan ang mga estudyante sa kanilang responsibilidad at sumunod sa mga itinakdang polisiya ng pamahalaan.

Ayon kay PRC Chairman at CEO Sen. Richard Gordon, ang mga safety protocol kagaya ng pagsusuot ng face mask, pagsunod sa physical distancing, at paghuhugas ng kamay ay manatili kahit na bakunado ang mga mag-aaral dahil hindi pa tapos ang pandemya.

Sa pagtaas ng kaso ng mga nagkakaroon ng anxiety at depresyong dulot ng pandemya, ay kinakailangang malaman din ng mga mag-aaral ang mga counseling services ng paaralan nang sa ganoon ay masolusyunan ang mga suliraning tungkol sa mental health.

Ang pagkain nang masustansya, pagkakaroon ng sapat na tulog, at pakikibahagi sa mga gawain ay makatutulong din hindi lamang sa ating kalusugan, kundi upang matulungang malabanan din ang COVID-19.

Sa huli ay binigyang diin ng senador na ang pagbabakuna ang susi upang bumaba ang mga kaso upang tuluyang manalo sa kampanya kontra COVID-19.

(Judren Soriano | La Verdad Correspondent)

Tags: ,