Ikinababahala na rin ng Philippine College Of Physicians ang kalagayan ng mahigit walong daang libong batang nabigyan ng Dengvaxia vaccines sa pamamagitan ng national immunization program.
Ngunit ang higit anilang inaalala ay yung mga nagpabakuna sa mga pribadong doktor. Bunsod nito, nangako ang grupo na tutulong sila sa pagtukoy at sa validation ng mga tumanggap nito mula sa private pediatricians.
Ayon naman sa pediatrician na espesyalista sa mga nakahahawang sakit na si Dr. Fatima Gimenez, agad silang magsusumite ng listahan sa DOH ng mga nagpabakuna sa private medical facilities sa oras na makumpleto ito.
Muli namang nagpaalala ang mga doktor sa mga magulang na kaagad dalhin sa ospital ang mga anak na nakararanas ng iba’t-ibang karamdaman matapos mabakunahan ng Dengvaxia.
Tiniyak naman ng Malacañang na pananagutin ang mga may responsable sa pagbili at pamamahagi ng Dengvaxia .
Nais din ng Pangulo na ibalik ng Sanofi sa pamahalaan ang ibinayad sa kanila dahil sa pagtatago ng mga impormasyon patungkol sa naturang bakuna.
( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )
Tags: Dengvaxia, DOH, private pediatricians