PH Navy, nakilahok sa kauna-unahang ASEAN Multilateral Naval Exercise sa Pattaya, Thailand

by Radyo La Verdad | November 21, 2017 (Tuesday) | 5873

Sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng ASEAN ay isinagawa ang sampung araw na ASEAN Multilateral Naval Exercises sa Pattaya beach, Thailand.

Ang BRP Tarlac at BRP Gregorio del Pilar ang kinatawan ng Pilipinas sa naval exercise na ito sakay ang kawani ng Philippine Navy at Philippine Marines.

Ang AMNEX 2017 ay maritime collaboration ng Southeast Asian Navies at sa unang taon nito ay ang Royal Thai Navy ang napiling host.

Layunin nito na mapatatag pa ang ugnayan ng mga hukbong pandagat sa rehiyon at iba pang Allied Naval Forces at makabuo ng magkakaugnay na maritime operational capability upang maging handa sa anumang pagkakataon. Bahagi rin ito ng paggunita sa ika-50 anibersaryo ng pagkakatatag ng ASEAN.

Kasama ang Naval Forces ng 10-ASEAN Member States ang kanilang naval counterpart sa siyam pang Non-ASEAN member nations.

Kahapon, sa kabila ng pagbuhos ulan ay isinagawa naman ang Operations Demonstrations at International Navies City Parade sa Pattaya beach.

Ang maritime collaboration na ito ay tatagal hanggang November 22 na kinapapalooban ng International Fleet Review, ang kauna unahang AMNEX 2017 at ang 11th ASEAN Navy Chief’s Meeting.

Samantala noong Sabado ng gabi, isang concert for a cause ang isinagawa ng Philippine Navy Wind Orchestra at Philippine Marine Corp Band sa pakikipagtulungan ng Filipino Community sa Thailand.

Layunin ng konsiyerto na makalikom ng pondo na maitutulong para sa mga biktima ng giyera sa Marawi.

 

( Kath Dumaraos / UNTV Correspondent )

Tags: , ,