MANILA, Philippines – Nagbabala ang Commission on Elections (COMELEC) na madidiskwalipika ang sinomang kandidatong magpapalabas ng pelikula o anumang panoorin tungkol sa buhay nito sa panahon ng kampanya mula ika-12 ng Pebrero hanggang ika-11 ng Mayo.
Ayon kay Comelec Spokesman Director James Jimenez, isa itong election offense na may parusang isa hanggang anim na taong pagkakabilanggo, diskwalipikasyon na manungkulan sa anumang posisyon sa gobyerno at hindi na maaaring makaboto.
“The exhibition of any cinematographic work, any television program focusing primarily on the life of a candidate or featuring the candidate as the main player in that particular production is prohibited from the start of the campaign period so that’s pretty clear,” paliwanag ni Comelec Spokesperson Director James Jimenez.
Ginawa ng Comelec ang pahayag kaugnay ng planong pagpapalabas ng pelikula tungkol sa buhay ni dating PNP Chief at senatorial aspirant Ronald Bato dela Rosa.
Pero ayon sa election law expert na si Attorney George Erwin Garcia, wala namang problema kung maipapalabas ang pelikula ni Bato bago magsimula ang panahon ng kampanya.
“Kung ako sa kanila ipalabas nila ito bago sana iyong mismong campaign period which is February 12 o kaya naman wala tayong choice kundi after na lang,” payo ni Attorney Garcia.
Babala pa nito, posible ring madiskwalipika ang isang kandidatong mapapatunayang nagbabayad ng mga supporter upang magpakalat ng mga campaign materials na naglalaman ng mga palabas at panoorin tungkol sa isang kandidato.
Samantala, wala pang pahayag si dating PNP Chief dela Rosa hinggil sa isyu.
(Aiko Miguel | UNTV News)
Tags: Atty. George Erwin Garcia, COMELEC, Commission on Elections, movie, pelikula, PNP Chief Oscar Albayalde, Ronald Bato dela Rosa