PDRRMO ng Cagayan naka-Red Alert na bilang paghahanda sa pagtama ng Bagyong Ramon

by Erika Endraca | November 15, 2019 (Friday) | 1723

CAGAYAN PROVINCE – Mas pinaigting pa ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ng Cagayan ang paghahanda para sa epekto ng Bagyong Ramon na inaasahang magla-landfall dito sa Sabado o Linggo (Nov. 16-17).

Ito’y upang maiwasan na maulit ang nangyari sa nagdaang pananalasa ng Tropical Depression Quiel sa lalawigan kung saan apat ang naitalang patay matapos na malubog sa baha ang bayan ng Abulug at Balesteros.

Ayon kay Cagayan PDRRMO Head Retired Colonel Anatacio Macalad, sa ngayon ay nakaposisyon sa ilang strategic areas ang kanilang mga rescue team bago pa maramdaman ang bagyo sa probinsya.

Inalerto na rin nila ang lahat ng mga local chief executive at inatasan ang bawat Municipal Disaster Risk Reduction And Management Office para sa agarang pagresponde sa mga residenteng kinakailangang ilikas sakaling lumala ang sitwasyon.

Naka standby na rin ang kanilang mga ambulansya at rescue boat para sa paglilikas ng nga residente sa mababang lugar at coastal areas.

Ayon sa PDRRMO sa ngayon nakapwesto na ang iba’t-ibang rescue units sa bayan ng Tuoao, Tuguegarao, Iguig,Lallo, Gonzaga, Appari at Sanchez Mira.

Mahigpit ring binabatayan sa ngayon ang posibilidad ng pagtaas ng tubig sa cagayan river dahil may mga residente rin na naninirahan malapit sa ilog.

May mahigpit namang pakiusap ang PDRRMO sa mga pasaway na residente hindi nakikipagtulugan sa panawagan ng mga lokal na opisyal.

Bagaman handa sa pagtama ng Bagyong Ramon, aminado ang PDRRMO ng Cagayan na pinangangambahan pa rin nila ang posibleng maging epekto nito sa lalawigan lalo’t hindi pa naman lubusang humuhupa ang baha sa bayan ng Abulog at Ballesteros.

(Joan Nano | UNTV News)

Tags: ,