PCMC, naka-complete heightened surveillance matapos ang pagkasawi ng isang doktor dahil sa severe dengue

by Radyo La Verdad | September 24, 2018 (Monday) | 4024

 

Nagdodoble ingat ngayon ang Philippine Children’s Medical Center (PCMC) matapos tamaan ng severe dengue ang limang doktor doon at masawi ang isa noong nakaraang linggo, ika-19 ng Setyembre. Inihayag din ng pamunuan ng PCMC ang pakikiramay sa kanilang kasamahang namatay dahil sa severe dengue.

Buwan ng Agosto ngayong taon, nakapagtala ng 214 na admitted dengue cases ang ospital. May limang bagong kaso ngayong Setyembre at sa kabuoan ay umabot na ito sa 92.

Sa assessment ng PCMC, ang vector mosquito na may dalang dengue ay nasa loob lamang ng PCMC.

Ayon kay PCMC Spokesperson Dra. Sonia Gonzales, saludo sila sa dedikasyon at sakripisyo ng kanilang mga kasamang doktor at medical specialists na nagsisilbing frontliners upang magamot ang mga pasyenteng may sakit at masugpo ang pagkalat ng anomang uri ng nakakahawang sakit.

Kinumpirma naman ng DOH ang ulat at nagbigay na rin aniya ng kautusan ang pamunuan ng ospital sa mga empleyado ng PCMC na mag-apply ng insect repellant sa katawan upang makaiwas sa dengue transmission.

Ayon pa kay Usec. Domingo, peak season ngayon ang pagdami ng dengue cases lalo na’t katatapos lang ng Bagyong Ompong at may pag-ulan rin sa iba pang bahagi ng bansa.

Pinapalalahanan ang publiko na maging maingat at sundin ang 4’s strategy ng kagawaran upang masugpo rin ang pagkakaroon ng dengue outbreak. Kadalasan sa mga nagkakaroon ng dengue sa Pilipinas ay mga kabataang nasa edad 10 hanggang 14 na taong gulang.

Batay sa datos ng DOH, simula ika-1 ng Enero hanggang ika-1 ng Setyembre ngayong 2018, mayroong 100,225 nang naitalang kaso sa bansa.

Mas mataas ito ng 6% kumpara sa mahigit  94, 000 noong 2017. Pangatlo ang National Capital Region (NCR) sa limang rehiyon na may pinakamataas na kaso ng dengue ngayong 2018.

 

( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )

Tags: , ,