Linggo ng gabi nang mahulog sa dagat ang isang pribadong sasakyan sa Island Garden City of Samal Port habang papaakyat sana sa barge na magdadala sa Davao City.
Nasawi ang driver nito sa pagkalunod dahil natagalan bago makuha ang sasakyan na napadpad pa ng ilang metro mula sa daungan dahil sa lakas ng alon.
Sugatan naman ang isang pasahero matapos masagi ng sasakyan bago ito mahulog sa dagat.
Dahil sa insidente, paiigtingin ng Philippine Coastguard Region 11 ang seguridad sa mga pantalan sa rehiyon, lalo na sa mga motor vehicles na isinasakay sa mga barge at roro.
Ayon kay PCG 11 Commander Lt. George Maganto, titiyakin muna nila na nasa maayos na kundisyon ang mga driver ng mga sasakyan bago payagang makapag-board sa mga sasakyang pandagat.
Paalala naman ng mga otoridad sa mga motorista at byahero, makiisa sa kanilang mga ipatutupad na pagbabago.
( Dianne Ventura / UNTV Correspondent )