PBBM, nais matiyak na walang mawawalan ng kabuhayan sa PUV modernization

by Radyo La Verdad | March 10, 2023 (Friday) | 16872

METRO MANILA – Nais ni Pangulong Ferdinand Marcos Junior na makasiguro na walang sinoman sa mga jeepney driver ang mawawalan ng kabuhayan sa implementasyon ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).

Aniya patuloy na pag-aaralan ng pamahalaan ang sistema kung papaano papalitan ang lumang mga PUV na hindi naman magiging pahirap sa tsuper at operator.

Aalamin din ng gobyerno ang problema sa pautang ng ilang transport groups para makabili ng modernong unit ng sasakyan.

Nauna nang nagpasalamat ang grupong Piston at Manibela na nabigyan sila ng pagkakataon na mapakinggan ang kanilang mga hinaing.

Ayon kay Mar Valbuena na Chairman ng Manibela, nagdesisyon silang ihinto na ang tigil pasada nitong Miyerkules, March 8 dahil nangako ang Office of the Executive Secretary at Presidential Communications Office (PCO) na pag-aaralan at bubusisiin ang implementasyon ng PUVMP.

Iginiit din aniya ni Executive Secretary Lucas Bersamin at PCO Secretary Cheloy Garafil na inutos na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr, na  i-review ang modernization program hangang sa katapusan ng taon.

Sa isang opisyal na pahayag pinasalamatan din ng LTFRB ang mga transport group na inihinto na ang tigil-pasada at muling binigyang diin na bukas ang kanilang tanggapan para pag-usapan ng maayos kung papaano pa mapabubuti ang implementasyon ng PUV modernization program.

Tags: , ,