METRO MANILA, Philippines – Irerekomenda ng Land Transportation Office (LTO) na matanggalan ng lisensya pasaway na driver na laman ng isang viral video.
Sa video na in-upload ng DOTr mula kay Axel Farinas, makikita ang driver na minamaneho ang sasakyan gamit ang kanyang isang kamay habang nakaupo ito sa passenger seat.
Ilang beses pang pinaglaruan ng pasaway na driver ang busina at nanigarilyo pa sa loob ng sasakyan.
Sa kabila ng kanyang mga paglabag, ipinagmayabang pa ng driver ang kanyang ginawa at ipinost pa ang video sa social media.
Kinilala ang driver na si Miko Lopez.
Ayon kay DOTr Undersecretary for Road Transport Mark De Leon, nilabag ng driver ang ilang batas trapiko kaya’t nararapat lamang itong patawan ng parusa.
Ayon naman kay LTO Executive Director Romeo Vera Cruz, patunay lamang ang video na hindi dapat mabigyan ng lisensya si Lopez dahil sa ginawa nito.