Panukalang pagbibigay ng emergency powers kay Pangulong Duterte, muling isinulong sa Senado

by Radyo La Verdad | September 21, 2018 (Friday) | 6034

Inaasahan na ang mas pagtindi pang problema sa trapiko sa Metro Manila, ito ay dahil sa nakalinyang malalaking infrastructure projects ng pamahalaan.

At upang mapabilis ang mga proyektong ito, muling ipinanukala ni Senate Finance Subcommitee Chair Sen. JV Ejercito na muling talakayin at maisulong ang pagkakaloob ng emergency powers kay Pangulong Duterte.

Sa pagtalakay sa panukalang pondo ng Department of Transportation (DOTr) para sa 2019 sa Senado kahapon, sinabi ni Ejercito na sa pamamagitan ng emergency powers ng Pangulo mapipigilan ang lossing bidders sa mga proyekto na nais makakuha ng temporary restraining order sa korte na karaniwang nagpapatagal sa proseso.

Isang taon na ang nakakaraan mula nang umpisahang talakayin sa Senado ang Senate Bill 1284 o ang panukalang pagbibigay ng emergency powers kay Pangulong Duterte. Ngunit hanggang ngayon ay naghihintay pa rin itong maipasa sa second reading.

Samantala, aprubado na sa Senate Subcommittee on Finance ang 2019 proposed budget na 76.1 bilyong piso ng DOTr. Mas mataas ito ng 89% kumpara sa P40.2 billion pesos budget noong 2018.

P447 milyon ang gagamitin para sa PUV modernization program ng pamahalaan.  Bahagi rin sa binusisi ng komite ang pag-uupgrade ng mga airports sa bansa.

Dapat na aniyang gawing night-rated airports ang mga paliparan sa probinsya upang mapalakas pa ang ekonomiya at turismo.

Ayon naman Kay Secretary Arthur Tugade, dapat ring palaparan ang mga runway sa probinsya.

 

( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )

Tags: , ,