Panukalang magtalaga na lamang ng baranggay officials, posibleng kuwestiyunin sa Korte Suprema

by Radyo La Verdad | March 31, 2017 (Friday) | 1214


Dadaan sa masusing deliberasyon ang panukalang pagtatalaga ng mga opisyal ng mga barangay officials sakaling matalakay na sa Lower House ang panukalang ipagpaliban ang barangay elections hanggang 2020.

Ayon kay House Committee on Suffrage and Electoral Reforms Chairperson Sherwin Tugna, ito ang unang pagkakataon na matatalakay sa kaniyang komite ang ganitong usapin.

Posible rin aniyang may kumuwestyon sa Korte Suprema kung sakaling makapasa ang probisyon na ito at maging ganap na batas.

Ngunit ayon sa election lawyer na si Attorney George Erwin Garcia, hindi naman kailangang amiyendahan ang konstitusyon upang makapagtalaga ng barangay officials si Pangulong Duterte.

Kinakailangan lamang aniyang idetalye ng mga mambabatas sa panukalang batas ang probisyon kung paaano isasagawa ang appointment.

Nakatakdang talakayin sa pagbabalik sesyon sa mayo ang panukalang barangay polls postponement ni Surigao del Norte Representative Robert Barbers.

(Nel Maribojoc)

Tags: , ,