Hindi lingid sa kaalam ng marami ang laki ng gastos sa pagpapaaral sa kolehiyo.
Dumagdag pa sa pasanin ng mga magulang ang pag-apruba ng Commission on Higher Education sa tuition increase ng mahigit tatlong daang unibersidad at kolehiyo sa bansa.
Kaya naman ang ilang estudyante, kaliwat kanan na ang paghahanap ng scholarship program.
Sa ngayon kasi, bagamat mababa lamang ang matrikula sa ilang pampublikong pamantasan tulad ng Polytechnic University of the Philippines at University of the Philippines, may mga karagdagang bayarin pa rin tulad ng miscellaneous fees at iba pa.
Sa programang Get It Straight with Daniel Razon, sinabi ni Senator-elect Sherwin Gatchalian na layon nyang ipanukala sa senado ang pag-alis ng tuition fee sa mga pampublikong unibersidad at kolehiyo.
Sa nakalipas na dalawang taon, umabot sa halos 200 billion pesos ang inilaan ng kongreso sa edukasyon.
Sa kanyang pagtaya, kaya namang akuin ng pamahalaan ang nasa 15 billion pesos na matrikula ng nasa mahigit isang milyong mahihirap na estudyante sa mga state college and university.
Naniniwala rin si Gatchalian na bukod sa libreng edukasyon, kailangan pagandahin pa at dagdagan ang public higher educational institutions upang makasabay sa kalidad ng mga pribadong paaralan sa bansa.
Target ni Gatchalian na ipasa sa senado ang mga naturang panukala sa loob ng isang taon.
(Darlene Basingan / UNTV Correspondent)
Tags: mga pampublikong kolehiyo at unibersidad, Panukalang libreng tuition, Senado