Panukalang first-time jobseekers assistance, inaasahang makatutulong para sa mga fresh graduate

by Radyo La Verdad | December 20, 2017 (Wednesday) | 3984

Sa ulat ng Philippine Statistics Authority noong Oktubre, mahigit dalawang milyong Pilipino ang walang trabaho.

Upang mas mahikayat ang mga kabataan na maging bahagi sa labor force ng bansa, isang batas ang ipinanukala sa Senado.

Sa ilalim ng Senate Bill No. 1426, exempted na ang mga first-time na naghahanap ng trabaho sa pagbabayad ng mga fee na kinokolekta upang ma-isyu ang mga dokumentong kinakailangan sa pagpasok sa trabaho.

Kabilang sa mga dokumentong ito ay ang police clearance, barangay clearance, medical certificate, birth o marriage certificate, tax identification number, community tax certificate, certification of eligibility, authentication and red ribbon of documents at iba pang dokumentong maaaring hingin ng mga employer.

Samantala, hindi naman saklaw ng panukala ang mga koleksyon na konektado sa aplikasyon para makakuha ng professional licensure examination, Philippine passport, career service examination at driver’s license.

Inaasahang sa pamamagitan nito ay hindi na magiging hadlang ang kakulangang pinansyal sa pag-aapply ng trabaho. Ang bill ay pumasa na sa komite at kasalukuyang nasa second reading.

 

( Leslie Longboen / UNTV Correspondent )

Tags: , , ,