METRO MANILA – Nilinaw ni Anti-red tape Authority (ARTA) Director General Attorney Jeremiah Belgica sa Serbisyong Bayanihan ngayong Lunes, ika-21 ng Disyembre ang mga hakbang na ginagawa ng pamahalaan upang labanan ang red tape.
Makaraan ang 10 taon matapos maipasa ang Republic Act 9485 kontra red tape ay ipinasa ng kongreso ang Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act of 2018.
Sa ilalim ng bagong batas ay binuo ang Anti-red Tape Authority alinsunod sa ikatlong panuntunan ng 0+10 point Socio-Economic Agenda ni Pangulong Rodrigo Duterte, upang labanan ng bawat isang government employee ang red-tape o labis-labis na prosesong pinagdadaanan ng mga mamamayan sa pakikipagtransaksyon sa mga ahensiya ng pamahalaan.
Upang maisagawa ito, pinaliwanag ni Atty. Belgica ang 2 hakbang ng ARTA – paglalagay ng ARTA trainees na magsasagawa ng self-assessment techniques at pagpapatupad ng bagong batas.
Ayon sa ARTA head, ang self-assessment techniques ay isang global practice na tumutulong sa mga government agencies upang malaman kung kailangan gumawa ng bagong polisiya kontra-red tape at alamin kung meron nang polisiya ang isang ahensiya laban sa mga iligal na transaksyon.
Dagdag pa dito ay tutulong ang ARTA trainees upang bantayan ang pagpapatupad ng Citizen’s Charter at ayon dito ay aabot ang bawat government transaction ng 3 araw kung simple transaction, 7 araw kung complex at 20 araw kung highly-technical. Ang bawat paglabag na mapapatunayan ng ARTA kontra government employee ay may kaukulang parusa na 6-month suspension para sa 1st offence at 500,000 – 2M fines at forfeiture ng retirement benefits ng ma-coconvict na empleyado.
Samantala, tumatanggap ang ARTA ng mga reklamo online sa pamamagitan ng pagchachat sa info@arta.gov.ph, @ARTAPh via Facebook at @artagovph sa Twitter at Instagram at sa Serbisyong Bayanihan bilang kapartner ng ahensiya.
(April Jan Bustarga | La Verdad Correspondent)
Tags: Anti Red Tape, ARTA