Pangulong Rodrigo Duterte, dadalo sa inauguration ng anak na si VP-elect Sara Duterte-Carpio sa Linggo

by Radyo La Verdad | June 14, 2022 (Tuesday) | 350

METRO MANILA – Pinaunlakan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang imbitasyon ng kaniyang anak na si Vice President-Elect Sara Duterte-Carpio na dumalo sa inagurasyon nito bilang ika-15 bise presidente ng bansa. Kinumpirma ito ng isang opisyal ng palasyo.

Isasagawa ang inauguration sa Davao City sa darating na Linggo, June 19, 2022.

Si Supreme Court Justice Ramon Paul Hernando ang mangangasiwa sa panunumpa sa pwesto ni VP-elect Duterte-Carpio.

Bukas sa publiko ang oath-taking ceremony na isasagawa sa San Pedro Street, ang pinaka-matanda at abalang kalsada sa Davao City.

Pinili ito ng VP-elect upang masaksihan ng mga kapwa-dabawenyos ang kaniyang panunumpa sa pangalawang pinakamataas na posisyon sa bansa.

Samantala, inanyayahan din ng Outgoing Davao City Mayor si President-elect Ferdinand Bongbong Marcos Junior, subalit wala pa itong tugon kung makararating sa oath-taking.

Dadalo naman sa event si dating Pangulong Gloria macapagal-Arroyo.

Si Outgoing Vice President Leni Robredo, kumpirmadong hindi makadadalo sa okasyon dahil sa prior commitment nito.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: