Pangulong Duterte, pang 69 sa pinakamakapangyarihang tao sa buong mundo ayon sa Forbes

by Radyo La Verdad | May 9, 2018 (Wednesday) | 7865

Pasok sa ika-69 na pwesto si Pangulong Rodrigo Duterte sa listahan ng world’s most powerful people ng Forbes, isang American business magazine.

Nangunguna si Chinese President Xi Jinping, samantalang pangalawa si Russian President Vladimir Putin.

Pangatlo si US President Donald Trump at pang-apat ang chancellor ng Germany na si Angela Merkel.

Pasok din sa top 10 ang founder at chief executive officer ng Amazon na si Jeff Bezos, si Bill Gates, ang crown prince ng Saudi Arabia na si Mohammed Bin Salman Al Saud, si Indian Prime Minister Narendra Modi at CEO ng google na si Larry Page.

Ayon sa Forbes, sa pito’t kalahating bilyong tao sa buong mundo, ang 75 babae at lalake na pasok sa kanilang world’s most powerful people ang maituturing na may pinakamatitinding mga ginawa.

Samantala, batay naman sa Forbes, naihalal si Pangulong Duterte noong 2016 dahil sa kampanyang susupilin ang mga drug dealer at mga kriminal. Nagbunga na umano ng libo-libong pagpaslang ang kaniyang war on crime.

Hindi rin anila naaalis sa headlines si Pangulong Duterte dahil sa kaniyang hayag at bulgar na paraan ng pananalita gaya ng sinabi nito laban sa dating pangulo ng Estados Unidos na si Barrack Obama at sa iba pa niyang mga kritiko.

Binigyang-diin naman ng Malacañang na para kay Pangulong Duterte, sa pagtitiwala ng taumbayan nanggagaling ang tunay na kapangyarihan.

Kamakailan, isa rin si Pangulong Duterte sa mga tinawag na strongman ng Time kahanay ng ibang world controversial leaders subalit tinuligsa ito ng pangulo.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

Tags: , ,