Pinasalamatan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang bansang Papua New Guinea sa magandang pakikitungo sa mga Pilipino sa bansa.
Ginawa ng Pangulo ang pahayag sa pagharap nito sa nasa isang libong miyembro ng Filipino community sa Port Moresby noong Biyernes ng gabi. Ito ang unang pagkakataon na dumalaw ang isang Philippine chief executive sa PNG.
Kaalinsabay nito, nangako si Pangulong Duterte ng ibayong tulong sa PNG sa sektor ng edukasyon at agrikultura.
Sa pagbisita ng Pangulo sa PNG, lumagda ito sa isang memorandum of agreement sa pagsusulong ng kooperasyon sa agrikultura ng dalawang bansa sa loob ng limang taon.
Samantala, sa harap ng Filipino community, inihayag naman ni Pangulong Duterte ang dahilan ng kaniyang hindi pagdalo sa apat na ASEAN Related Summits sa Singapore, kabilang na ang Asean-Australia informal breakfast.
Binatikos din nito ang Magdalo Party-List at inihalintulad sa teroristang Islamic State.
Muli ring inungkat ng Pangulo na kaya tatakbo ang kaniyang panganay na anak na si Paolo “Pulong” Duterte sa Kongreso dahil sa panghihiya sa kaniyang ng pangunahin nilang kritiko na si Senador Antonio Trillanes.
( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )
Tags: Pangulong Duterte, Papua New Guinea, Senador Antonio Trillanes