Pangulong Duterte nais ipa-dispose sa Comelec ang mga makina ng Smartmatic

by Radyo La Verdad | May 31, 2019 (Friday) | 3381

Tokyo, Japan – Nais ni Pangulong Rodrigo Duterte na i-dispose na ng Comission on Elections (COMELEC) ang mga makina ng smartmatic na nagdulot ng maraming aberya sa katatapos lang na halalan

Ayon sa Pangulo, maghanap na lang ng bago at ligtas sa daya. Ginawa ng Chief Executive ang pahayag sa kaniyang pakikipagpulong sa mga miyembro ng Filipino Community sa Japan na ginanap sa Imperial Palace Hotel sa Tokyo.

“I would like to advise COMELEC now hindi ko na lang hintayin dispose of that smartmatic and look for a new one that is free of fraud. So nasabi ko ‘yan. Kindly i am now asking you as a co-equal body, it’s just promoting turmoil please do not use it. I was intending to give it to you sa SONA pero mas tigas pa ito sa SONA:” ani Pangulong Rodrigo Duterte.

Matatandaan na maraming SD cards at Vote Counting Machines ang nagkaproblema noong araw ng Eleksyon.

Sa June 4 ay nakatakda ang pagdinig ng Joint Congressional Oversight Committee on Automated Election System kung saan bubusisiin ang mga aberyang nangyari sa 2019 Mid-term Elections.

Samantala, sa unang pagkakataon ay ipinahayag sa publiko ni Pangulong Duterte na itinadhana na maging First Lady ang kaniyang partner na si Honeylet Avancena

“No guarantees kung ano titulo mo, but it’s really a destiny na maging First Lady ka pero kung mayroon gusto sumunod, ok lang naman,” ani Pangulong Rodrigo Duterte.
(Jun Soriao | Untv News)

Tags: ,