Binisita ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Special Operations Command at Headquarters ng Light Reaction Regiment sa Airborne Covered Court, Fort Magsaysay Nueva Ecija. Kasabay nito ay pinarangalan at binigyan ng Pangulo ng gold cross medal at Order of Lapu-Lapu medal ang ilang mga sundalong magigiting na nakipaglaban sa Marawi City.
Sa kaniyang talumpati, muling nagbabala ang Pangulo sa New People’s Army at sinabing ipaaaresto ang mga ito. Hindi lamang ang mga miyembro kundi pati ang umano’y mga sumusuporta sa rebeldeng grupo o ang tinatawag nitong mga nasa “legal front”.
Una nang sinabi ng Pangulo nitong weekend na idedeklara ang CPP-NPA bilang mga terorista dahil sa patuloy na karahasan ng mga ito. Kabilang na ang pagkakadamay sa isang sanggol nang tambangan ang ilang pulis sa Bukidnon noong nakaraang linggo.
Bukod dito, sinabi ni Pangulong Duterte na hindi na babalik sa negotiating table kasama ang CPP-NPA. Hindi rin aniya magdedeklara ng ceasefire ang pamahalaan sa Disyembre kahit na holiday season.
Hinamon din ni Duterte ang mga ito na magdemanda at sinabing hindi nababahala kahit mag rebolusyon pa ang mga ito.
( Joshua Antonio / UNTV Correspondent )
Tags: NPA, Nueva Ecija, Pangulong Duterte