Pangulong Duterte, may panibagong babala laban sa mga Kadamay

by Radyo La Verdad | June 15, 2018 (Friday) | 3683

Inatasan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Philippine National Police (PNP) na higpitan ang pagbabantay sa mga pabahay ng pamahalaan para sa mga pulis at sundalo sa barangay San Isidro, Rodriguez, Rizal.

Ito ay matapos muling lumusob ang daan-daang miyembro ng progresibong grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) at nagtangkang okupahin ang mga housing unit sa naturang lugar.

Ayon sa punong ehekutibo, kung ‘di papipigil sa pag-okupa ang Kadamay, pinahihintulutan niyang gumamit na ng pwersa ang mga tauhan ng pulisya.

Ipinahayag ito ng pangulo kahapon nang pangunahan ang panunumpa ng mga bagong halal na barangay officials ng Region 4-A sa Sta. Rosa City, Laguna.

Hanggang mamayang alas-dose ng tanghali naman ang ibinigay na taning na panahon ng pangulo sa mga Kadamay para tuluyang lisanin ang lugar.

Nagpasaring naman ang punong ehekutibo sa mga militanteng grupo na humihingi ng tulong sa pamahalaan ngunit patuloy na tinutuligsa ang kaniyang pamumuno.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

Tags: , ,