Matapos na mapaulat na nirereview ng Canadian Government ang pinirmahan nitong 233 million dollar-agreement sa Pilipinas na pagbebenta ng 16 na bagong bell 4-1-2 helicopters, inutusan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Armed Forces of the Philippines na kanselahin ang naturang deal at maghanap ng supplier sa ibang bansa.
Bukod dito, sinabi rin ng punong ehekutibo na huwag nang makipag-transaksyon sa Canada at Estados Unidos hinggil sa pagbili ng mga armas. Ginawa ng Pangulo ang pahayag, Biyernes ng gabi sa Davao City.
Una nang nagpahayag ng pangamba ang Canada sa posibilidad na gamitin ang mga bibilhing helicopter sa kanila sa pagtugis sa mga rebeldeng New People’s Army, bukod sa humanitarian at disaster response.
Nilinaw naman ng Pangulo na nananatili ang pagrespeto at pakikipagkaibigan ng Pilipinas sa bansang Canada.
Gayunman, hindi naman aniya maaaring hindi solusyunan ng pamahalaan ang suliranin ng rebelyon at terorismo sa bansa.
( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )
Tags: Canada, duterte, helicopters