Pangulong Duterte, kabilang sa mga itinuturing na World’s Strongmen ng Time magazine

by Radyo La Verdad | May 4, 2018 (Friday) | 5381

Kabilang si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga tinaguriang “Strongmen” sa cover story ng american magazine na “Time” sa May 14, 2018 issue nito.

Kasama niya sina Hungarian Prime Minister Viktor Orban, Turkey President Recep Tayyip Erdogan at Russian President Vladimir Putin.

Binanggit din si Pangulong Duterte sa artikulong isinulat ng American political analyst na si Ian Bremmer at kabilang sa tinatawag na “Strongman Era”.

Batay sa lathalain, ang apat na lider ay matapang magsalita na nangangakong poprotektahan ang kapakanan ng isang panig laban sa isa, depende umano sa kung sino ang nagsasalita.

Nakasaad din dito na ang lumalalang krimen sa bansa ang naging daan upang mahalal sa pwesto si Pangulong Duterte.

Binanggit rin dito na tila isang Mob boss kung magsalita ang pangulo pagdating sa kaniyang pangako na tapusin ang drug trade sa bansa sa pamamagitan ng kaniyang istilo ng pagpapatupad ng hustisya.

Ayon naman kay Presidential Spokesman Secretary Harry Roque, kahit bias ang naturang artikulo, hindi aniya maitatanggi ang ipinakitang matatag at matibay na pamumuno ni Pangulong Duterte na pinatutunayan ng mataas na satisfaction at trust rating ng pangulo.

Nanindigan din ito na ang brand of justice ng pangulo ay naaayon sa rule of law, dahil may isinasagawang imbestigasyon sa lahat ng drug related killings sa ilalim ng kaniyang pinasimulang war on drugs.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

Tags: , ,