Pangulong Duterte, inaasahang personal na sasaksihan ang pormal na pagbalik sa bansa ng Balangiga bells bukas- DND Lorenzana

by Radyo La Verdad | December 10, 2018 (Monday) | 2212

Inanunsyo ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang magiging programa para sa pormal na turn over ng Balangiga bells sa bansa mula sa Estados Unidos bukas, araw ng Martes.

Inaasahang naroon din si Pangulong Rodrigo Duterte sa isasagawang programa paglapag sa Villamor Air Base ng mga makasaysayang kampana.

Sa mga larawang ipinadala ng embahada ng Amerika sa Pilipinas noong Sabado, makikita ang dalawa sa tatlong Balangiga bells na inalis na sa display at inihanda na para sa transportasyon mula sa air force base sa Cheyenne, Wyoming pabalik ng Pilipinas.

Nakatakdang maibalik sa orihinal na pinagmulan ang historic bells sa Balangiga, Samar sa ika-15 ng Disyembre.

Ayon naman kay Defense Secretary Lorenzana, makabuluhan ang bahaging ito ng kasaysayan sa ugnayan ng Pilipinas at Estados Unidos.

Dahil dito, patuloy din ang negosasyon sa usapin kung matutuloy na ang pagbisita sa Amerika ni Pangulong Duterte sa susunod na taon.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

Tags: , ,