Pangulong Duterte, iginiit na walang direktibang arestuhin si Sen. Trillanes hanggang walang inilalabas na arrest warrant ang korte

by Radyo La Verdad | September 14, 2018 (Friday) | 4155

Matapos ipag-utos ng Makati Regional Trial Court Branch 148 na magsumite ng komento ang kampo ni Senador Antonio Trillanes sa petisyong isinumite ng Justice Department na magpalabas ng arrest warrant laban sa kaniya, nanindigan si Pangulong Rodrigo Duterte na wala siyang utos na ipaaresto ang kaniyang pangunahing kritiko.

Ginawa ng punong ehekutibo ang pahayag sa Camp Aguinaldo kahapon matapos ang kaniyang command conference hinggil sa ginagawang paghahanda ng mga tanggapan ng pamahalaan bago ang pananalasa ng Bagyong Ompong.

Ayon kay Pangulong Duterte, walang interes na arestuhin ang mambabatas hanggang walang utos galing sa korte.

Ngayon ang pang-11 araw ng pananatili sa Senado ni Trillanes matapos ilabas ang Proclamation 572 ni Pangulong Duterte upang ipawalang bisa ang amnestiyang ipinagkaloob sa kaniya ng nakalipas na administrasyon.

Samantala, matapos niyang ilang beses na mabanggit ang intelligence information hinggil sa mga pwersang nagsasanib upang patalsikin siya sa pwesto, partikular na umano ang Liberal Party at communist rebels.

Ayon sa Pangulo, ipinapaubaya na lamang niya sa mga tauhan ng militar at pulisya kung ano ang nararapat gawin.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,