Pangulong Duterte, balik Pilipinas na matapos ang “produktibong” pagbisita sa China

by Erika Endraca | September 2, 2019 (Monday) | 11955

MANILA, Philippines – Nakabalik na ng Pilipinas si Pangulong Rodrigo Duterte nitong Sabado ng madaling araw matapos ang ilang araw na official visit sa China. Ayon sa Malacañang, matagumpay at produktibo ang pagbisita ng punong ehekutibo.

Dahil sa malapit ng ugnayan nina Pangulong Rodrigo Duterte at Chinese President Xi Jinping, nakapag-usap ang dalawa ng diretsahan lalo na sa isyu ng pinagtatalunang teritoryo sa West Philippine at South China Sea.

Nagkasundo rin ang dalawa sa pagsusulong na matapos na ang code of conduct upang maiwasan ang paglala ng tensyon at kapwa nangakong magsasanay ng self-restraint sa mga aksyon, susundin ang international law at UNCLOS, at igagalang ang freedom of navigation at overflight sa South China Sea.

Kinilala rin ng 2 lider na kahit may maritime dispute ang dalawang bansa, mareresolba ang usapin sa pamamagitan ng patuloy na mapayapang negosasyon.

Ayon naman sa palasyo, di na inaasahang isulong muli ang arbitral ruling sa nalalabing taon sa termino ni Pangulong Duterte matapos itong direktang buksan kay Chinese President Xi.

“The issue of conflict should not be the sum total of the relationship between the two countries and that they should move forward but at the same time continue with the dialogue peacefully on the issue.” ani Presidential Spokesperson & Chief Presidential Legal Counsel, Sec. Salvador Panelo.

Nakausap din ng Pangulo si Chinese Premier Li Keqiang at iginiit na magpapatuloy ang kooperasyon ng 2 bansa sa usapin ng ekonomiya at people-to-people exchanges.

Patuloy ding susuportahan ng China ang Pilipinas sa mga proyektong imprastraktura nito sa ilalim ng Build-Build-Build program.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: ,