Pangulong Aquino may pananagutan sa Mamasapano sa ilalim ng principle of command responsibility – ex-Pres. FVR

by monaliza | March 18, 2015 (Wednesday) | 3306
Photo credit: Photoville International
Photo credit: Photoville International

Sinangayunan ni dating Pangulong Fidel V. Ramos ang report ng Senado na may pananagutan si Pangulong Aquino sa naganap na Mamasapano operation na ikinamatay ng 44 na pulis na miyembro ng Special Action Force (SAF)

Nauna ng ipinahayag ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs na nagimbestiga sa Mamasapano incident na may responsibilidad ang Pangulo sa pangyayari.

Ayon kay Ramos, hindi maaaring walang alam o pananagutan si Pangulong Aquino sa Mamasapano dahil sa principle of command responsibility. Batay sa prinsipyong ito, ani Ramos, mayroong presumption of knowledge na umiiral at walang sinuman na nasa mataas na posisyon ang maaaring magsabi na wala itong alam sa mga nangyayari sa pamahalaan.

Ipinakita pa ng dating Pangulo ang Executive Order 226 na kanyang inaprubahan noong 1995 kung saan sinasaklaw nito ang prinsipyo ng command responsibility sa lahat ng sangay at ahensya ng pamahalaan

Sa ilalim ng EO 226, sinumang opisyal ng gobyerno na nagpabaya sa kanyang tungkulin sa ilalim ng doctrine of command responsibility ay maaring sampahan ng kasong administratibo.

Payo ni Ramos kay Pangulong Aquino na akuin ang responsibilidad at humingi ng paumanhin na may sinseridad at pagpapakumbaba sa harap ng sambayanang Pilipino

Panghuli, sinabi ni Ramos na asahan na ni Pangulong Aquino ang kaliwa’t kanang imbestigasyon sa oras na bumaba ito sa pwesto sa 2016.

Ngayong araw ang ika-87 kaarawan ng dating pangulo.

Tags: , , ,