Panghuhuli sa pumapasadang Angkas, sisimulan na ng LTFRB

by Radyo La Verdad | December 13, 2018 (Thursday) | 5769

Manghuhuli na simula ngayong araw ang iba’t-ibang traffic law enforcement agencies ang mga driver ng Angkas na papasada pa rin sa mga lansangan.

Sa resolusyong inilabas ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) kagabi, inaatasan ang lahat ng traffic law enforcers ng LTFRB, Inter-Agency Council on Traffic, PNP Highway Patrol Group (PNP-HPG) at Land Transportation Office (LTO) na hulihin ang Angkas na magseserbisyo pa rin sa mga pasahero.

Bukod sa panghuhuli, ipinag-utos rin ng LTFRB ang pag-iimpound ng lahat ng mahuhuling motorsiklo ng Angkas. Dahil dito, dismayado ang ilang pasahero ng Angkas dahil problema na naman nila ang pahirapang pagko-commute.

Sa pahayag na inilabas ng pamunuan ng Angkas, ikinalungkot nito ang desisyon ng Korte Suprema sa kabila ng anila’y lumalalang problema ng mga pasahero sa sistema ng transportasyon at matinding traffic lalo na ngayong holiday season.

Ikinadismaya rin nila ang anila’y paglalagay sa alanganin ng kabuhayan ng mahigit sa dalawamput-limang libong mga driver ng Angkas. Nangangamba ngayon ang Angkas driver na si Mang Jumie Calago dahil dito lamang niya kinukuha ang pangtutos sa pangangailangan ng kanyang pamilya. Sa loob ng labing isang oras na pamamasada kada araw, umaabot sa 1,200 piso ang kanyang kinikita.

Agosto ngayong taon nang magdesisyon ang Mandaluyong Regional Trial Court Branch pabor sa operasyon ng Angkas kaya’t malaya itong muling nakabiyahe sa mga lansangan sa Metro Manila.

Umaasa ang pamunuan ng Angkas na mababago pa ang desisyon ng Korte Suprema. Nangako ito na patuloy na ipaglalaban ang karapatan ng kanilang mga driver upang maging ligal ang kanilang operasyon at pangangailangan ng nga commuter sa maayos na transportasyon.

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

Tags: , ,