Pang. Aquino, iginiit na hindi golden age para sa mga Pilipino ang Marcos era

by Radyo La Verdad | February 26, 2016 (Friday) | 8322

PNOY
Binigyang-diin ni Pangulong Noynoy Aquino sa kanyang talumpati sa ika-30 taong anibersaryo ng EDSA People Power revolution kahapon na hindi
golden age para sa Pilipino ang Marcos era. Aniya, golden days lang ito para sa pamilya ni dating pangulong Ferdinand Marcos at mga crony nito.

Ayon sa pangulo, “Napapailing na nga lang po ako, dahil may mga nagsasabi raw na ang panahon ni Ginoong Marcos ang siyang golden age ng Pilipinas. Siguro nga, golden days para sa kanya, na matapos na masagad ang dalawang termino bilang Pangulo, na katumbas ng walong taon, gumawa pa siya ng paraan na kumapit sa kapangyarihan.”

Dagdag ng pangulo sa kanyang talumpati, “Golden age nga po siguro noon para sa mga crony ni Ginoong Marcos, at sa mga dikit sa kanya. Marami nga po akong kuwentong narinig: Noong panahon ng diktador, ang mga negosyante, ayaw magpalaki ng negosyo. Baka raw po kasi mapansin at agawin pa sa kanila ito ng mga nasa puwesto.”

Ipinahayag ni Pangulong Aquino na lumaki ang utang ng bansa nang magsimulang umupo sa pwesto si Ginoong Marcos noong 1965. Noon ay nasa P2.4 bilyon ang utang ng national government ngunit sa pagtatapos ng 1985, dalawang buwan bago siya mapatalsik sa puwesto ay nasa P192.2 billion na ang utang ng Pilipinas.

Paliwanag ng pangulo, “dahil hindi napunta sa dapat kalagyan ang pera, ang biyaya sa kani-kanila lang; ang pagbaba­yad naman, kargo natin hanggang sa kasalukuyan. Idiin pa po natin: Golden age ng tinatawag na brain drain. Golden age ng pag­lisan ng mga OFW papun­tang Gitnang Silangan. Ngayon sa atin ay golden age na ng pagbabalik ng mga OFW. Noon, golden age ng mga New People’s Army, na dahil sa pagkadismaya ng taumbayan ay sinasabing lumobo mula sa 60 katao tungo sa 25,000 ang hanay noong pagtapos ng Batas Militar.”

Tags: , , ,