Pamamahagi ng fuel voucher sa mga PUV driver, posibleng masimulan sa katapusan ng taon ayon sa DOTr

by Radyo La Verdad | May 24, 2018 (Thursday) | 2503

Umaaray na ang ilang jeepney driver at operator dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.

Nakabinbin pa sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang fare hike  petition ng ilang transport group.

Humihirit ang mga ito ng dalawang pisong dagdag sa minimum fare sa jeep at patong na piso para naman sa unang apat na kilometro tuwing rush hour.

Upang matulungan ang mga tsuper at operator, plano ng pamahalaan na muling buhayin ang Pantawid Pasada Program. Sa ilalim nito, bibigyan ng fuel voucher ang mga driver ng mga pampublikong sasakyan.

Subalit ayon kay Transportation Undersecretary Thomas Orbos, posibleng sa katapusan pa ng taon masimulan ang pamamahagi nito.

Ayon kay Orbos, kailangan pang ayusin ng LTFRB ang database nito ng mga PUV driver sa buong bansa upang masiguro na ang mga kwalipikadong tsuper lamang ang mabibigyan nito.

Dagdag pa ni Orbos, iniaayos pa sa ngayon ang proseso at kung magkano ang matatangap ng mga driver sa ilalim ng Pantawid Pasada Program.

Isang paraan rin aniya ito upang hikayatin ang mga operator ng colorum na mga sasakyan na magparehistro.

Samantala, nangako naman ang pamahalaan na sususpendihin ang pagpapataw ng excise tax sa langis kapag umabot o humigit na sa 80 dollars per barrel ang presyo ng petrolyo sa world market.

Pero ayon Presidential Spokesman Secretary Harry Roque, kokonsultahin muna nila ang Department of Budget at Department of Finance bago gumawa ng anomang hakbang.

Inatasan na rin aniya ni Pangulong Duterte ang mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan na bigyan ng ayuda ang mga pinakamahihirap na pamilyang apektado ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,