Pakikipagsabwatan sa CPP at LP para sa pagpapatalsik kay Pangulong Duterte, itinanggi ni Sen. Trillanes IV

by Radyo La Verdad | September 10, 2018 (Monday) | 2106

Mariing itinanggi ni Sen. Antonio Trillanes IV ang pahayag ng Pangulong Duterte noong Sabado na nakikipagsabwatan ito sa Liberal Party (LP) at ng Communist Party of the Philippines (CPP).

Ito ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte laban kay Senator Antonio Trillanes IV sa kanyang pag-uwi sa bansa noong Sabado.

Agad naman itong sinagot ng senador at mariing itinanggi ang akusasyon na nakikipagsabwatan umano siya sa Liberal Party at Communist Party of the Philippines upang mapatalsik sa puwesto si Pangulong Duterte.

Ayon sa mambabatas, ang Pangulo ang mismong naglalagay ng mga miyembro ng CPP sa kaniyang gabinete.

Dagdag pa ng senador, malinaw na humahanap na lang ng butas ang Pangulo upang mapagtakpan ang mga isyung ibinato niya gaya ng korupsyon.

Ayon pa kay Sen. Trillanes, tila kulang sa kakayahan si Pangulong Duterte na mamahala sa national level dahil barangay lang aniya ang kaya nitong pamahalaan.

Tungkol naman sa isyu ng revocation ng kanyang amnesty, sinabi ni Trillanes na kailangan silipin ang resulta ng bar exams ng Pangulo sapagkat tila dinaya lang aniya ang pagkakapasa nito, dahil hindi umano nito alam ang nakapaloob sa pagkakaloob ng grant sa isang amnesty application.

Sa press conference naman noong Sabado, una nang ipinaliwanag ng Pangulo kung bakit niya ipinawalang bisa ang amnestiya ni Trillanes.

Samantala, pinili pa rin ni Sen. Trillanes na manatili sa kustodiya ng Senado kahit sinabi na ng Pangulo na ipapaubaya na sa Korte Suprema ang desisyon kung kailangan siyang arestuhin.

 

( Mirasol Abogadil / UNTV Correspondent )

Tags: , ,