Umabot sa 100 libong metriko tonelada ng sibuyas ang nasayang noong 2022 base sa datos ng Department of Agriculture. Katumbas na ito ng 35% ng kabuoang ani sa buong taon.
Ayon sa D.A., ito’y dahil sa hindi maayos na paghawak sa produkto at kakulangan din ng cold storages o imbakan.
“Doon po sa farm mismo, doon palang po pag ‘di maganda ang panahon meron na pong loss doon. Kung hindi po maganda ang pagka handle halimbawa binabalagbag po ‘yung mga sibuyas meron din po yung loss,” ani Diego Roxas, Spokesperson, BPI.
Ilulunsad naman ng D.A. ang Optimization and Resiliency in the Onion Industry Network (ORION) program.
Kabilang sa mga stratehiya na nakapaloob sa programa ay pagbibigay ng easy access credit loans sa mga magsasaka at iba pang onion stakeholders.
Plano rin ng kagawaran na isulong ang pagbuo ng national information database upang masiguro ang updated at iba pang importanteng datos sa produksyon at pagbebenta ng sibuyas.
Ayon sa BPI, ngayong 2023 ay naglaan ang pamahalaan ng 240 million pesos para sa pagtatayo ng cold storage sa mga lugar na itinatanim ito.
Isa sa pinakamaraming nagtatanim ng sibuyas ay sa Occidental Mindoro. Nangangailangan din sila ng dagdag na cold storages para maiimbak ang kanilang mga aanihing sibuyas.
Ayon sa acting provincial agriculturist na si Alrizza Zubiri, ang kanilang lalawigan na kayang mag supply ng halos kalahati ng pangangailangan ng buong Pilipinas sa isang taon.
Umaabot sa mahigit sa 90 thousand metric tons ang kanilang produksyon ng sibuyas.
“As per computation po, around 40% ay kaya nang i-supply ng Occidental Mindoro. That is for more than 7,000 hectares area of production,” pahayag ni Alrizza Zubiri, Acting Provincial Agriculturist, Occidental Mindoro.
Kung maiiimbak aniya ng maayos ang mga sibuyas ay nasa P200 lamang kada kilo ang pinakamataas na maaaring maging presyo nito sa panahong walang tanim.
“Sana i-prioritize muna itong nasa cold storages outside our province ay ma-prioritize muna ‘yung mga local producers na makapaglagay ng mga sibuyas sa kanilang cold storages,” dagdag ni Alrizza Zubiri, Acting Provincial Agriculturist, Occidental Mindoro.
Rey Pelayo | UNTV News