Pagtatag ng Traffic Crisis Interagency Management Council, aprubado na ng House Committee

by Erika Endraca | September 26, 2019 (Thursday) | 8408

MANILA, Philippines – Aprubado na sa Committee Level sa mababang kapulungan ng Kongreso ang pagtatatag ng isang Traffic Crisis Council na tutugon sa problema sa trapiko sa bansa.

Agad na naaprubahan ang resolusyon dahil sa suporta ng mga dumalong ahensya kabilang na ang Office of the Secretary General, Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB), Land Transportations Office(LTO) at Department of Transportation (DOTr). 

Samantala, layon ng House Resolution 353 na maconsolidate at maiharmonize ang mga paggawa ng mga ahensya at lokal na pamahalaan at gayun din ang mga polisiya hinggil sa trapiko at transportasyon.

“Bawat isa mayroong role na makakatulong sa pagpapaluwag ng ating trapiko. Pati yung konstruksyon and repair ng ating road facilities, tapos yung traffic sign. Tapos pagtutugma tugma naman ng probisyon ng mga traffic ordinances ng mga local government.” ani LTO Assistant Secretary Edgar Galvante.

Gayunpaman, dapat umanong pag aralan ng maigi ang pagtatatag nito at ang magiging saklaw na kapangyarihan nito upang hindi mag overlap sa mga existing government agencies katulad ng Inter-Agency Council on Traffic (I-ACT).

Ngunit ayon kay Samar Representative Edgar Sarmiento, Chairman ng Committee on Transportation ng Kamara, mas makakatulong ito dahil pangungunahan mismo ng Department of the Interior and Local Government (DILG)  ang itatatag na Traffic Council.

Samantala, matapos maipasa, pag uusapan naman sa technical working group ang mga detalye ng naturang resolusyon bago ihain at pagbotohan sa Plenaryo.

(Vincent Arboleda | UNTV News)

Tags: ,